Dating NPA, itinumba ng dating kasamahan

SORSOGON CITY – Bulagta sa kama ang 21-anyos na umano’y dating NPA matapos na pagbabarilin ng armadong lalaki na pinaniniwalaang dating kasamahan sa hukbo sa Brgy Catanusan, Juban, Sorsogon.

Mga tama ng punglo sa iba’t-ibang parte ng katawan ang agarang ikinasawi ng biktima na kinilalang si Angeline Hipanto Hinga, alias ‘Salapi,’ may kinakasama at naninirahan sa nasabing barangay.

Sa ulat, dakong alas 6:00 ng gabi noong Martes, Mayo 4 habang naghahanda ng kanilang hapunan ay tatlong lalaki ang biglang pumasok sa loob ng kanilang bahay at nagkunwaring makikiinom ng tubig, subalit biglang bumunot umano ng kanyang baril ang isang suspek at malapitang pinagbabaril ang biktima habang nagsilbing look-out ang dalawang kasama nito.

Makaraan nang pamamaril ay tumakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksyon.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang apat na basyo at isang  bala mula sa kalibre 45 na pistola.

Agad namang nagpalabas ng kalatas ang Bagong Hukbong Bayan-Celso Minguez Command (BHB-CMC) at inako ang pamamaslang sa biktima.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *