Davao de Oro landslide – na ikinasawi ng halos 60

Pinaiimbestigahan na sa Kamara ang nangyaring landslide sa bayan ng Maco sa Davao De Oro na ikinasawi ng mahigit limampung indibidwal.

Batay sa House Resolution Number 1586 na inihain ni Deputy Majority Leader Erwin Tulfo at lima pang kongresista, nais nilang malaman kung bakit nangyari ang trahedya sa kabila ng ipinatutupad na “no build zone” sa lugar.

Ayon kay Tulfo, maaaring naiwasan sana ang pagkamatay ng marami kung naging mahigpit ang implementasyon ng “no build zone”.

Dapat aniyang may managot sa nangyari dahil tila pinabayaang may manirahan sa lugar kahit gumuguho na ang lupa.

Hinimok din ng kongresista ang Mababang Kapulungan na i-review ang umiiral na batas na ipinatutupad ng Mines and Geosciences Bureau na nasa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources.

Nakasaad pa sa resolusyon na dapat silipin kung mayroong gaps, deficiencies at kailangang palakasin sa nilalaman ng mga batas upang hindi na maulit ang trahedya.

Nabatid kasi na sa kabila ng “no build zone” policy ay walang tigil ang pagtatayo ng struktura at tirahan na nagpalala sa banta ng landslide.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *