De Lima, kinuwestyon ang ‘misplaced’ insertion ng P54.6-B MUP pension sa Bayanihan 3

Kinuwestyon ni opposition senator Leila De Lima at tinawag na “misplaced” ang insertion ng payment para sa police, military, and other uniformed personnel (MUP) pension sa ilalim ng Bayanihan to Arise As One Act  o ang Bayanihan 3 bill.

Sa isang statement ngayong araw, sinabi ng senadora na magandang malaman na darating na ang ayuda para sa mga nangangailangan ng wage subsidies gaya ng allowance para sa mga guro, ayuda para sa agri-fishery sector. 

Pero, nakakagulat umanong sa P401 bilyong pondo sa ilalim ng Bayanihan 3, mukhang may naisingit na wala naman sa mga orihinal na bersyon na isinumite ng mga mambabatas sa Kongreso o ang P54.6-bilyong para sa pensyon ng militar at pulisya.

Una nang sinabi ni Marikina City Representative Stella Quimbo na kasama sa proposed Bayanihan 3 ang P54.6 billion pension and gratuity fund (PGF) para sa retired military at uniformed personnel. 

Aniya, ni-request ito ng Department of Budget and Management. Tinapyasan umano ang halaga nito noong 2020 at kailangang ibalik para sa mga retired MUPs. 

Pero kinuwestyon ni senador de Lima ang timing ng pagbibigay ng pension ngayong gipit ang bansa sa pera sa gitna ng pandemya at napakarami umanong mas karapat-dapat makatanggap ng pondo gaya ng medical frontliners, mga manggagawang nawalan ng trabaho, mga gurong patuloy ang kalbaryo sa distance learning, mga mahihirap na walang makain sa araw-araw, at mga maliliit na negosyong nagsara o nanganganib na magsara.

Giit pa ng senadora, ang patagong hakbang na ito ay patunay lamang ng misplaced priorities ng gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *