3 Degree Programs, posibleng buksan ng Bicol University para sa limited face to face ngayong school year- B.U Pres

LEGAZPI CITY—Nasa plano na ng Bicol University na mag-apply sa Commission on Higher Education-Inter Agency Task Force (CHED-IATF) para sa mga estratehiya ng limited face to face learning para sa ilang degree programs ngayong school year 2021-2022.


Ayon kay Dr. Arnulfo Mascariñas, ang Presidente ng Bicol University, tatlong Degree programs ang kanilang posibleng i-apply para sa limited face to face sa darating na pasukan sa buwan ng Agosto. Kabilang rito ang mga kursong Nursing, Social Work at Agriculture.


Maliban sa pagsasagawa ng laboratoryo, ang mga degree programs na ito ay maaari umanong payagan dahil kailangan ng mga estudyante ang practicum o On the Job Training (OJT).

Aniya, kailangan kasing mapunan ng mga mag-aaral ang practicum dahil isa ito sa mga requirements upang sila ay makapagtapos sa kanilang pag-aaral sa mga nasabing kurso.


Inihalimbawa nito ang kursong Nursing at Agriculture kung saan kailangan ng mga estudyanteng tapusin ang internship program sa loob ng 240 hrs.

Ayon sa presidente, nasa lamesa na ng Vice President for Academic Affairs ng unibersidad ang proposed guidelines para sa face to face classes upang mapag-aralan nito bago ihain sa CHED IATF.

Leave a Reply

Your email address will not be published.