Dengue cases sa lalawigan, umabot na sa 250 ayon sa Infectious Disease Surveillance Unit ng PHO

Umabot na sa 250 ang bilang ng dengue cases sa lalawigan sa peryodo mula buwan ng Enero hanggang morbity week 19 o hanggang Mayo 19 nitong taon.

Ayon kay Jeanelita Avanica, Sanitation Inspector IV ng Infectious Disease Surveillance Unit ng Provincial Health Office, sa nasabing bilang pinakamarami dito ang Lungsod ng Sorsogon na umabot na sa 71, sinusundan ito ng bayan ng Matnog na mayroong 64 na mga kaso, Bulan na mayroong 36, Irosin na mayroong 35 at Gubat na may 22.

Gayunpaman sinabi nito na kung ang isasaalang-alang ay ang attack rate kung saan ang kumpyutasyon umano nito ay nakadepende sa populasyon ng lugar, bayan ng Matnog ang nangunguna, sunod ang bayan ng Sta. Magdalena, pangatlo ang Irosin, pang-apat ang Pto Diaz at pang lima ang bayan ng Barcelona. 

Samantala, dalawa na ang bilang ng namatay sa dengue sa lalawigan.

Isa mula sa Lungsod ng Sorsogon na naitala noon buwan ng  Enero at isa sa Bayan ng Bulan na naitala naman noong buwan ng Marso subalit ayon kay Avanica, bukod sa bumaba ang kaso ng dengue ngayong taon kumpara sa nakalipas na taon sa parehong panahon, lie-low o hindi alarming ang kaso ng dengue sa lalawigan.

Naniniwala si Avanica na ang pagiging aktibo ng mga dengue task force sa barangay ang isa sa mga salik kung bakit nagkaroon ng pagbaba sa mga naitatalang kaso ng dengue ngayong taon.

Ayon dito, sapat kasi ang kaalaman ng mga barangay council gayundin ang mga BHW’s sa kung papaano iiwasan o susugpuin ang dengue dahil nakapagsanay na ang mga ito tungkol dito.

Aniya, katunayan kahit wala pa umanong kaso ng dengue ay gumagawa na sila ng paraan sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng 4S kontra dengue kabilang na ang Suyurin at Sirain ang pinamumugaran ng mga lamok, Sarili ay protektahan laban sa lamok, Sumangguni agad sa pagamutan kapag nakaramdam ng sintomas at Sumuporta sa ‘fogging/spraying’ kapag may banta sa outbreak.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *