Deped-Bicol, nanawagan sa mga nais mag-volunteer para sa implementasyon ng brigada pagbasa program ngayong taon

BICOL – HINIKAYAT ngayon ng Department of Education o Deped-Bicol ang publiko na suportahan ang kanilang programa na may layuning matulungan ang bawat kabataang Pilipino na matutong bumasa.

Kaugnay nito, nanawagan ang ahensya sa mga volunteer teachers at partner na maaari nilang makakatuwang sa implementasyon ng programang Brigada Pagbasa ngayong taon.

Aarangkada ito simula ngayong buwan ng Hunyo at tatagal hanggang Oktubre na may temang “Bawat Batang Bicolano Bihasang Bumasa.”

Ang BRIGADA PAGBASA, ay isang community-based initiative sa ilalim ng Brigada Eskwela na may layuning mapagkaisa ang mga DepEd partners, mga magulang at lahat ng nasa komunidad, pribado man o pampublikong sektor,na makabuo ng grupo para gabayan at turuan ang mga mag-aaral na makabasa at maging “functionally literate.”

Target ng programa ang mga mag aaral mula Kindergarten hanggang Grade 6.

Lahat ng mga interesadong maging KaBrigada Pagbasa Volunteers ay hinihikayat ng Deped na mag register sa link na naka post sa kanilang official facebook page at makiisa sa gagawing orientation kaugnay dito.

Base sa United Nations Human Development Report, isa ang Pilipinas sa may pinakamataas na literacy rate sa buong Southeast Asia, subalit para sa Deped, hindi ito sapat na rason para makapampante lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *