DFA kinumpirmang may mga Afghan refugees ang dumating sa bansa

Kinumpirma ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na may mga refugees mula sa Afghanistan ang dumating sa Pilipinas.

Sa isang tweet sinabi ni Locsin na kabilang sa mga refugees ay mga bata at mga kababaihan.

Hindi naman tinukoy ng kalihim kung ilan ang bilang ng mga refugees subalit sinabi nitong welcome ang mga Afghan nationals sa bansa na gustong makatakas sa kaguluhan, pang-aabuso at kamatayan sa kanilang lugar.

Sa ngayon ay nasa maayos at ligtas umanong lugar ang mga refugees at tumanggi itong magbigay ng detalye dahil wala umano silang interes sa publicity.

Ipinag-utos naman ni Locsin sa mga DFA personnel na sundin ang limitadong paglalabas ng impormasyon sa pagdating ng mga refugees dito sa Pilipinas.

Una nang sinabi ni Locsin noon na tatanggap lang ang Pilipinas ng refugees sa pamamagitan ng ‘government to government’ basis at hindi mag-eentertain ng mga request mula sa mga NGOs.

Magugunitang nitong Agosto ng kubkubin ng grupong Taliban ang Afghanistan ilang araw lamang matapos i-pullout ni US Pres. Joe Biden ang libo-libong american troops sa naturang bansa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *