DOE, planong kasuhan ang ilang private power companies na di sumunod sa kanilang polisiya

Isinisi ng Department of Energy (DOE) sa mga pribadong power companies ang brownouts na nararanasan sa Metro Manila at ilang bahagi ng Luzon simula noong Lunes. 

Ayon kay Energy Undersecretary William Fuentebella, makikipag-coordinate ang ahensya sa Energy Regulatory Commission (ERC), Philippine Competition Commission at Department of Justice kaugnay ng posibleng paghahain ng kasong economic sabotage laban sa mga supplier ng kuryente na lumabag sa kanilang polisiya na nagdulot ng rotational brownouts. 

Giit kasi ni Fuentabella, ipinagbawal nila ang pagsasagawa ng preventive maintenance, maliban sa hydropower plants sa ikalawang quarter ng taon dahil sa mataas na demand sa kuryente. 

Meron umanong power firms na humingi ng pahintulot na magsagawa ng preventive maintenance shutdown ng kanilang planta at ibinasura ito ng DOE.

Pero mayroon umanong dalawang power plants na nagsagawa pa rin ng preventive maintenance dahilan para ikonsidera na ng DOE ang paghahain ng kaso laban sa mga ito.

Aniya, inatasan na ni Energy Secretary Alfonso Cusi ang mga abugado ng DOE na kumalap ng ebidensya at pag napatunayang lumabag ang supplier sa kanilang panuntunan ay di magdadalawang-isip ang ahensya na kasuhan ang mga ito dahil ang mga consumers ang nahirapan sa kanilang kapabayaan.

====

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *