DOH Bicol, nagpaalala ukol sa dumaraming kaso ng tuberculosis sa rehiyon

LEGAZPI CITY – Dahil sa alarming na pagtaas ng bilang ng mga naitatalang kaso ng sakit na tuberculosis (TB) sa Bicol Region, nagpapaalala ngayon ang Department of Health (DOH) Bicol ukol dito.

Ayon sa ahensya, ang sakit na ito ay dulot ng bacteria at lubos na nakakahawa.

Hindi umano dapat na makampante sa naturang sakit porket nasosolusyunan ito ng anti-biotic o 6 na buwang gamutan o higit pa dahil delikado pa ring sakit ito at nakamamatay.

Katunayan nito, inihayag ni DOH Bicol TB Medical Coordinator Dra. Jannish Alcala sa Brigada News FM Legazpi na mayroon at marami na ang namatay dahil sa sakit na ito lalo na kung sumabay na ang iba pang comorbidities.

Aniya, maraming naitalang pagkamatay na hindi lamang sa TB kundi dahil na rin sa iba pang mga komplikasyon sapagkat karamihan dito ay nasa edad na mayroon nang comorbidities na dumagdag sa dahilan ng kanilang pagkamatay.

Ayon kay Alcala, air-borne infection ang TB at maaaring makuha sa pamamagitan ng droplets tulad ng talsik ng laway mula sa pasyenteng may sakit nito, o anumang paraan upang malanghap ang bacteria.

Paalala niya, kapag mayroon nang mga naramdamang kakaiba sa kalusugan, agad nang magpatingin sa doctor upang mabigyan ng gamot o lunas at hindi na lumala pa’t humantong sa TB sapagkat kung mayroong isang miyembro sa pamilya ang magpositibo sa sakit na ito, lahat umano ay kinakailangan ding magpa-check-up.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *