DOJ, hindi na aapela matapos ibasura ang petisyon re: CPP-NPA as terrorists

Kumambyo ang Department of Justice sa unang naging pahayag nito kahapon na maghahain sila ng apela para kuwestyunin ang naging desisyon ng Manila Regional Trial Court na i-dismiss ang kanilang proscription case kung saan ay ipinadedeklarang mga terorista ang mga miyembro ng Communist Party of the Philippines o CPP at ang armadong sangay nito na New People’s Army o NPA.

Sa isang panayam, sinabi ni Justice spokesperson Mico Clavano na hindi na sila maghahain ng motion for reconsideration para rito.

Paliwanag ni Clavano, magiging ‘endless’ lamang kung itutuloy pa nila ang MR para kontrahin ang unang desisyon ng Manila RTC Branch 19.

Sinabi pa nitong ang naging basehan ng kanilang unang proscription case noong 2018 ay ang Human Security Act na na-amyendahan naman na sa ilalim ng bagong Anti-Terrorism Act o ATA.

Sa ilalim ng ATA Law, ang mga procscription cases ay babagsak na sa hurisdiksyon ng Court of Appeals.

Dahil dito, posible aniyang sa Hukuman ng Apelasyon na sila magbigay ng bagong petisyon para rito.

Samantala, sa hiwalay na panayam, ipinagtaka ni Justice Secretary Boying Remulla kung bakit pumabor ang Korte sa CPP-NPA gayong hindi naman daw nakikipag-cooperate at dumadalo ang mga rebelde sa mga proceedings ng Korte.

Aniya, hindi raw nito alam kung papaano na-impluwensyahan ang Manila RTC at September 21 pa inalabas ang desisyon – saktong ika-50 anibersaryo ng Martial Law.
#

Operasyon ng AFP, ‘di apektado sa kabila ng pagbasura ng DOJ petition

Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines na magpapatuloy pa rin ang kanilang ‘relentless’ na mga operasyon laban sa CPP-NPA.

Ayon kay AFP spokesperson Col. Medel Aguilar, hindi nito ma-aapektuhan ang mga operasyon ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Aniya, walang magbabago sa kanilang mga anti-insurgency operations na sa katunayan ay umaabanse na.

Naniniwala rin itong magkakaroon pa ng mga susunod na hakbang ang DoJ para kontrahin ang ruling.
#

RELATED STORIES:

Korte, binasura ang petisyon ng DOJ na pinade-deklarang mga terorista ang CPP-NPA

Pagbasura sa DOJ petition, magandang hakbang para matigil na ang red-tagging – Makabayan

Leave a Reply

Your email address will not be published.