DOTr: Last extension na ito ng PUV franchise consolidation

Positibo ang Department of Transportation (DOTr) na tataas ang bilang ng mga consolidated public utility vehicles (PUV) kasunod ng extension na ipinatupad ng Palasyo.

Ayon sa DOTr, inaasahan nilang tataas sa 85% ang porsyento ng mga operators at drivers na magko-consolidate sa PUV Modernization Program.

Sa kasalukuyan, nasa 76% ang consolidated PUVs sa buong bansa, at 52% naman sa Metro Manila.

Samantala, naging matibay naman si DOTr Secretary Jaime J. Bautista sa pananaw na ang 76% consolidation ay sapat na para ipatupad ang naturang programa.

Umaasa si Bautista na makatutugon sa kinakailangang requirement ang mga jeepney drivers na hindi pa nakakapag-consolidate sa loob ng tatlong buwan.

Mababatid na ito na ang ikawalong beses na na-extend ang deadline ng consolidation simula noong implementasyon ng PUV Modernization Program noong 2017.

Sa ngayon, sinabi ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz na ‘di na muna magkakaroon ng hulihan sa February 1 para sa mga traditional jeepneys na ‘di pa rin nagpapa-consolidate.

Nanindigan naman si Bautista na hindi na nila irerekumenda pa ang panibagong extention para sa pagpapa-consolidate.

Aniya, sapat nang panahon ang tatlong buwang pagpapalawig sa deadline, at dito raw makiktia kung sino lang talaga ang willing na magpa-consolidate.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *