Driver, arestado matapos makuhanan ng armas sa checkpoint sa Balayan, Batangas

Nakakulong na ngayon ang isang lalaking inaresto ng mga awtoridad matapos na makuhanan ng armas sa PNP checkpoint sa Brgy. Ermita, Balayan, Batangas.

Kinilala ng Balayan Municipal Police Station ang suspek na si Arvin Severa y Jaramillo, walang asawa, driver at residente ng San Andres Bukid, Malate, Maynila.

Ayon sa imbestigasyon, ipinara ng mga kapulisan sa checkpoint ang suspek habang minamaneho ang kanyang motorsiklo dakong 4:40 ng madaling araw noong Linggo, Oktubre 16, 2022.

Habang hinanapan umano ng driver’s license at dokumento ng motorsiklo ang suspek ay napansin ng mga otoridad ang nakaumbok sa kanyang balakang.

Napag-alaman ng mga kapulisan na ito ay kalibre 45 na baril at agad na kinumpiska sa suspek.

Walang naipakitang mga papeles si Severa sa dalang armas kaya ito ay inaresto ng mga kapulisan.

Narekober sa kanyang ang isang magazine ng caliber 45, apat na pirasong bala ng nasabing armas, isang pirasong wig, isang cellphone at ang minamanehong kulay itim na motorsiklo.

Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms Law.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *