ECOP, hindi sang-ayon sa mandatory vaccination sa bansa

Hindi sang-ayon ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na gawing mandatory sa lahat ng mga Pilipino ang pagbabakuna kontra covid-19.

Ito ay matapos na ihayag ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na handa niyang suportahan kung kinakailangan ang isinusulong ng pamahalaan na gawing mandatory ang COVID-19 vaccination sa bansa para maabot ang herd immunity.

Ayon kay ECOP President Sergio Ortiz-Luis Jr., imposibleng mangyari ang mandatory vaccination sa ngayon dahil kulang pa nga aniya ang suplay ng bakuna sa bansa.

Ipinunto ni Luis na tiyak na may legal na kwestiyon sa mandatory vaccination dahil may karapatan aniya ang bawat mamamayan na tumangging magpabakuna kung ayaw nila at hindi sila maaaring pilitin.

Mababatid na sinabi ni Concepcion na kapag lumabas na mababa ang turn-out ng vaccination program ng pamahalaan, kakailangan talaga mismo na ipatudapad ang mandatory vaccination.

Gayunpaman, naniniwala si Luis na hindi na hahantong pa sa puntong kailangang pilitin ang bawat isa na magpabakuna dahil tumataas na aniya ang vaccine confidence ng publiko lalo na’t nakikita na nilang maraming medical frontliners ang nabakunahan na.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *