Epekto ng amihan at shear line ramdam din ng mga araw-araw na sumasakay sa passenger ferry boat sa bayan ng Mercedes

CAMARINES NORTE – Ramdam hindi lang ng mga mangingisda kundi ng mga araw-araw na mga pasahero ng ferry boat sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte ang epekto ng amihan at shear line.

Madalas kasi na mistulang nakikipagpatintero sa malalakas na alon ng dagat ang passenger ferry boat kapag ganitong panahon.

Dagdag kalbaryo din na bukod sa malakas na hangin ay kapag umuulan na minsan nauuwi sa pagpapatigil ng biyahe.

Daan- daang pasahero ang araw- araw na sumasakay sa passenger ferry boat na bumibiyahe mula Mercedes port hanggang pantalan ng Barangay Manguisoc.

Simula noong Miyerkules ay nagpatupad ang Philippine Coast Guard ng temporary suspension ng paglalayag ng mga bangkang nasa 250 G.T. pababa dahil sa nakabanderang gale warning ng Pagasa sa karagatang sakop ng lalawigan.

Ayon naman sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), walang reported na mangingisda na pumalaot sa mga araw na ito na may nakabanderang gale warning.

Naka- standby naman ang food packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Municipal Evacuation and Convention Center na ipamimigay sa mga residente na apektado ng amihan.

Nasa ilalim kasi ngayon ng state of calamity ang bayan ng Mercedes dahil sa amihan.

Sa mga panahong ito ay hindi makapalaot ang mga mangingisda na pangunahing ikinabubuhay ng mga residente sa lugar.

Nasa 6,000 food packs ayon sa LGU ang nanggaling sa DSWD na nakalaan para sa mga mangingisda na lubhang naapektuhan ng sama ng panahon dulot ng shear line at amihan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *