Expanded Paternity Leave para sa mga manggagawang ama, isinusulong

Inihain ni Cagayan De Oro City Representative Rufus Rodriguez ang isang panukala na layong pahabain ang araw ng paternity leave.

Batay sa House Bill 9731, nais ni Rodriguez na amiyendahan ang Republic Act 8187 o ang Paternity Leave Act of 1996 upang gawing labinlimang araw ang paternity leave mula sa kasalukuyang pitong araw.

Giit ni Rodriguez, dalawampu’t limang taon na ang naturang batas kaya panahon na para baguhin at ipantay sa Expanded Maternity Leave.

Sa ilalim naman ng Republic Act 11210 ay isandaan at limang araw na ang maternity leave mula sa dating animnapung araw.

Nakasaad din dito na maaaring ibigay ng ina ang pitong araw sa kanyang asawa upang madagdag sa paternity leave at maging dalawang linggo ngunit optional lamang ito.

Ipinaliwanag ng kongresista na hindi sapat ang pitong araw dahil napakahalaga ng papel at presensya ng isang ama sa unang mga araw ni baby.

Bukod sa pagpapalawig ng paternity leave, tatanggalin na ang limitasyon ng availment ng leave sa apat na deliveries o panganganak pati na sa abortion at miscarriage.

Saklaw naman ng panukala ang lahat ng lalaking empleyado anuman ang employment status.

Kapag naisabatas ay maaari nang i-avail ang paternity leave kahit na hindi kasal ang lalaki sa kinakasamang babae na manganganak basta’t nagsasama na sila nang hindi bababa sa dalawang taon at walang legal impediment sa kanilang pagpapakasal.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *