Expanded Solo Parents Welfare Ordinance sa bayan ng Basud aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa

CAMARINES NORTE- Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Sangguniang Bayan ang Expanded Solo Parents Welfare Ordinance sa Basud, Camarines Norte.

Ilan lang sa mga kategorya ng pagiging solo parent ay ang mga namatayan ng asawa, pagkakaroon ng mental o physical incapacity, at legally o de facto separated ng hindi bababa sa anim na buwan.

Nagkaroon naman ng amyenda sa original draft ng ordinansa sa probisyon ng scholarship.

Sa halip na salitang “scholarship” ay pinalitan ito ng “educational assistance” dahil hindi umano kakayanin ng LGU ang gastusin sa pagpapa-aral ng isa sa mga anak ng solo parent.

Ang pondo na kakailanganin para sa implementasyon ng ordinansa ay kukunin sa Gender and Development fund ng munisipyo.

Matatandaan na Hulyo pa ng nakaraang taon nang unang ihain ang ordinansa sa konseho at nitong Abril lang naaprobahan.

Nakapaloob naman sa Republic Act No. 11861 o ang Expanded Solo Parents Welfare Act na sinusugan ng ordinansa na ang mga solo parent na may minimum wage o mas mababa pa ay makatatanggap ng isang libong pisong subsidya.

Ang mga kumikita naman ng mas mababa sa P20 libo piso ay makatatanggap ng 10-percent discount at exemption sa value-added tax para sa ilang baby products tulad ng gatas pambata, pagkain, bitamina at diapers.

Bukod sa mga nabanggit, makakukuha rin ng full scholarship sa TESDA ang mga solo parent na may edad 22 taong gulang pababa basta maabot ang itinakdang requirements.

Mabibigyan din ang mga ito ng 7-day paid parental leave mapa-pribado at sa gobyerno man ito nagtatrabaho.

Otomatiko ring mapabibilang ang isang solo parent sa National Health Insurance Program.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *