Extension ng consolidation deadline, patunay na hindi bulag, bingi si PBBM – Romualdez

Ikinalugod ni House Speaker Martin Romualdez ang pasya ni Pangulong Bongbong Marcos na palawigin ng tatlong buwan ang consolidation ng public utility vehicles para sa modernization program.

Ayon kay Romualdez, hindi bulag o bingi si Marcos sa sentimiyento at pangamba ng taumbayan.

Kinikilala aniya ng pangulo ang epekto ng isyu sa lokal na transportasyon at ito ang panahon na nahaharap sa malaking hamon ang industriya.

Binigyang-diin ng House leader na dininig agad ng Diyos ang hinaing ng PUV drivers at operators dahil bago ang desisyon ng punong ehekutibo ay nakipagpulong si Romualdez sa transport groups sa Batasan Pambansa.

Pinatuloy ni Romualdez ang mga leader ng PISTON at Manibela na sina Ka Mody Floranda at Mar Valbuena kasama ang kanilang mga miyembro na nagsagawa ng kilos-protesta sa labas ng gate ng Kamara upang pakinggan ang kanilang mga ipinaglalaban.

Ipinunto naman ng liderato na bagama’t nauunawaan nitong mahalaga ang modernisasyon ng PUVs para gawing mas komportable at ligtas ang biyahe ng commuters, kailangang mapreserba ang kabuhayan ng mga driver.

Idinagdag pa ni Romualdez na matagal nang simbolo ng makulay na kultura ng bansa ang jeepney at itinuturing na “iconic” kaya hindi dapat hayaang mawala ang imahe nito sa kalsada.

Dahil naman sa tatlong buwang extension ay magkakaroon umano ng sapat na panahon ang LTFRB upang magkasa ng konsultasyon at pag-aaral sa mga tinututulang detalye ng PUV Modernization Program.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *