FETODA dismayado sa naging desisyon ng SB Daet na ibalik sa P10 ang minimum na pamasahe sa tricycle, pagsasagawa ng transport strike pinag iisipan

CAMARINES NORTE- Dismayado ang Federation of Tricycle Operators and Drivers Association o FETODA sa naging hakbang ng Sangguniang Bayan ng Daet na ibalik sa P10 ang minimum na pamasahe sa tricycle sa gitna pa man din ng mataas na presyo ng gasolina.

Sa isinagawa kasing pagpupulong ng Tricycle Regulatory Board ng LGU Daet noong Lunes ay tinalakay ang tungkol sa sunset clause ng Municipal Ordinance No 373- 2020 o ang ordinansa na nagtatakda ng pansamantalang taripa sa panahon ng pandemya.

Dahil ang bayan ng Daet ay nasa Alert Level 1 na at pinapayagan ang full seating capacity sa public transport, ang sunset clause ng ordinansa ay ipinairal kung kaya balik sa sampung piso ang pamasahae sa unang dalawang kilometro at piso ang karagdagang kilometro na ipinatutupad na noon bago pa man mag pandemic.

Iiral ito hanggat wala pang itinatakdang bagong taripa na minamadali na ngayon ng SB.

Bukod dito napagkasunduan din ng TRB na P13 sa unang dalawang kilometro at karagdagang P2 sa bawat kilometro ang ipapatupad na bagong taripa taliwas sa hiling ng tricycle sector na P15  para sa isang kilometro at dalawang piso sa bawat karagdagang kilometro.

Ayon kay FETODA President Alex Sulpa, susulat ang kanilang grupo sa SB upang i- reconsider ang naunang desisyon nito.

Aniya wala namang tumutol sa kanilang panukalang taripa noong public hearing kaya nakakadismaya umano na ibinaba ito sa P13.

Dagdag pa umanong pasakit sa tricycle sector ay hanggang ngayon ay hindi pa naibibigay sa kanila ang pangakong fuel subsidy ng national government.

Kaugnay nito pinag- iisipan umano ng kanilang grupo na magsagawa ng transport strike.

Gayunman tiniyak ni Sulpa na handa silang tumalima sa batas at ang planong transport strike ay Plan B lamang.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *