Gadon: isama ang political provisions sa Charter amendments

Nanawagan si Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon sa Kongreso na isabay na rin sa isinusulong na amiyenda sa 1987 Constitution ang political provisions.

Sa kanyang liham kina House Speaker Martin Romualdez at Senate President Juan Miguel Zubiri, ipinakokonsidera ni Gadon ang pagbabago sa political provisions partikular sa mga lokal na opisyal gaya ng gobernador, alkalde at kongresista.

Hindi kasama sa term extension ang Pangulo ng Pilipinas, Pangalawang Pangulo at mga senador at sakaling maisakatuparan ay magiging epektibo ito sa 2028 national elections.

Sa panayam kay Gadon sa Kamara ngayong araw, ipinunto nito na sampu hanggang labindalawang bilyong piso ang nasasayang kada tatlong taon dahil sa laki ng gastos sa pagdaraos ng eleksyon.

Hindi aniya nagagampanan nang maayos ang tungkulin ng local officials dahil sa unang taon ng termino ay nasa “planning stage” pa lang ang mga programa habang sa ikatlong taon ay naghahanda na sa pangangampanya.

Dagdag pa ni Gadon, ang ginagastos sa halalan ay maaari pang ilaan sa pagpapatayo ng school buildings o sa modernisasyon ng mga pasilidad para sa pagsasaka.

Umaasa naman ang opisyal na pakikinggan ng Kamara at Senado ang kanyang mga suhestyon lalo’t hindi pa umano huli ang lahat at ang tanging pakay niya ay ituon muna ang pansin sa governance o pamamahala sa halip na pulitika.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *