GCQ sa Albay pinalawak sa lahat ng lungsod at munisipyo maliban sa mga bayan ng Rapu-Rapu at Jovellar

BICOL—Mas pinalawak ngayon ng pamahalaang panlalawigan ng Albay ang deklarasyon ng General Community Quarantine (GCQ) sa lahat ng mga lungsod at bayan nito maliban sa bayan ng Jovellar at islang bayan ng Rapu-rapu.

Salig sa Executive Order No. 16 series of 2021 na inilabas ni Governor Al Francis Bichara ngayong hapon, Hunyo 7, inaamyendahan nito ang unang EO na inilabas noong Mayo 31 kung saan isinailalim ang lungsod ng Legazpi at bayan ng Daraga sa GCQ.

Dahil dito, naisailalim na rin sa parehong quarantine classification ang mga lungsod ng Tabaco at Ligao at mga bayan ng Camalig, Guinobatan, Oas, Polangui, Libon, Sto. Domingo, Bacacay, Malinao, Malilipot, Tiwi at Manito.

Epektibo ito simula ngayong araw at tatanggal hanggang sa Hunyo 15 base sa napagkasunduan ng Bicol Inter-Agency Task Force at mga Local Chief Executives sa lalawigan.

Sa ilalim nito, kailangang ipasunod ng lahat ng mga sakop na LGU ang mga health protocols sa ilalim ng inamyendahang Omnibus Guidelines nitong May 20, 2021 sa ilalim ng GCQ category.

Sinumang hindi magpapatupad o lalabag dito ay maaaring mapanagot sa ilalim ng Republic Act No. 11332 o “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act” at iba pang kaugnay na mga batas.

Mababatid na nakakaranas ngayon ang lalawigan ng pagtaas sa kaso ng COVID-19 kung saan umabot sa 124 ang single day case nito noong araw ng Linggo habang 62 naman kahapon, araw ng Lunes.

Sa kabuuan ay umaabot na sa 3,063 ang kaso ng coronavirus sa probinsya kung saan 1190 nito ang aktibong kaso, 110 ang nasawi at 1763 ang mgta gumaling.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *