Gilas nakalasap ng 2 sunod na talo sa FIBA 3×3 Olympic Qualifier

Naranasan ng Gilas 3X3 team ang kanilang ikalawang sunod na pagkatalo sa unang araw ng FIBA 3×3 Olympic Qualifying Tournament laban sa Slovenia sa Graz, Austria.

Bagamat ipinakita ng mga Pilipino na mas ganado sila kumpara sa opening game kung saan ay natalo sila sa Qatar, ay hindi pa rin naiwasan na matambakan sila ng Slovenians sa score na 21-11.

Umiskor para sa Gilas sina Joshua Munzon at CJ Perez sa nasabing laro, habang nakatutok naman sa dipensa sina Mo Tautuaa ay Santi Santillan.

Gayunman, hindi ito sapat para mapigilan ang mas-ekspiryensado na Slovenians na kinabibilangan nina Adin Kavgic, Anze Shebovt, Gasper Ovnik at Simon Finzgar.

Mula sa 6-3 lead ay agad na pinalawak ito ng Slovenians sa 16-6.

Nagtapos sa laro si Munzon na may 7 points habang si Perez naman ay nakapag-ambag ng 3 points.

Dahil sa pagkatalo ay bumagsak ang record ng Pilipinas sa 0-2 rsa Group C, na pwedeng makasama sa kanilang kampanya na makakuha ng slot sa Tokyo Olympics.

Samantala, sunod na makakalaban ng Pilipinas ang Dominican Republic at France sa Biyernes.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *