Governor Padilla pinangunahan ang Inauguration and Blessing ng OB ward extension at OPD waiting area ng CNPH kaninang umaga, mga susunod pang proyekto sa ospital inisa- isa ng opisyal

CAMARINES NORTE – Isinagawa kaninang umaga ang Inauguration and Blessing ng OB ward  extension at Outpatient Department (OPD) waiting area expansion ng Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH).

Pinangunahan ito ni Governor Ricarte “Dong” Padilla katuwang ang Rotary Club of Metro Daet na nag donate naman ng mga hospital beds.

Sa kaniyang pananalita ikinatuwa ng Gobernador na maayos na rin ang kalagayan ng waiting area sa OPD at hindi na umano nauulanan o naiinitan ang mga naghihihtay na pasyente.

Nagkaroon na rin ng extension ang OB ward na lubhang kailangang kailangan dahil sa dami ng mga pasyente ay nasa hallway na ng ospital ang mga ito at kinukulang ang kama.

Nangako si Padilla na hindi dito magtatapos ang mga proyekto na gagawin sa CNPH.

Ang susunod naman daw na makikita ay ang pagtatayo ng 5- storey building at magkakaroon ng karagdagang 300 hospital beds mula sa kasalukuyang 150 lamang.

Ang naturang gusali ay magkakaroon ng additional na dialysis na magiging 30 stations na.

Sa kasalukuyan ay mayroong sampung unit at dadagdagan ito ng dalawampu pa.

Maglalagay na din umano ng Magnetic Resonance Imaging o MRI sa CNPH at magiging dalawa na ang CT scan machine.

Ang ground floor ng naturang gusali ay popondohan ng Provincial Government, ang second floor ay mangagaling kay Senator Francis Tolentino at ang third floor ay magmumula naman kay Sen. Robin Padilla.

Ang 4th at 5th floor ay popondohan na ng Department of Health.

Inulit din ng Gobernador ang mga nasabi na nito dati tulad ng pagkakaroon ng mga sophisticated na kagamitan para sa mga cardiac cases at ang pagkakaroon ng heart institute.

Ito umano ay upang hindi na kakailanganing pumunta sa ibang lugar ng mga taga Camarines Norte na may sakit sa puso.

Target rin daw ng opisyal sa susunod na taon ay tatawagin nang Camarines Norte General Hospital ang CNPH.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *