Governor Tallado ikinatuwa ang desisyon ng SC hinggil sa disqualification case na isinampa laban sa kaniya; Tallado sa mga kalaban sa pulitika: “Move on”

CAMARINES NORTE- Itinuturing ni Camarines Norte Governor Edgardo Tallado na “blessing in disguise” ang mga kasong isinampa laban sa kaniya na naging dahilan ng ilang ulit na suspensyon at nauwi pa sa “dismissal from the service”.

Kasunod yan ng tuluyang pagbasura ng Supreme Court sa disqualification case laban sa kaniya na inihain nina Norberto Villamin at Senandro Jalgalado dahil sa paglabag umano ng una sa three- term limit rule.

Sa isinagawang Press Conference nitong Huwebes, isang araw matapos isapubliko ang desisyon ng SC, sinabi ni Tallado na ito na ang pinakahihintay ng lahat upang matuldukan na ang isyu.

Aniya dahil sa nabanggit na desisyon ay ito pa lamang ang una niyang termino dahil sa mga interruption na nangyari noong mga nakaraan at pwede pa siyang tumakbo ng dalawa pang beses.

“Bale lumalabas na ito yung first term ko 2019- 2022, dun sa mga kaso na binato sa akin, parang ano din sa akin eh, blessing in disguise,” ani Tallado.

“Lahat po ay ginawa ng kalaban ko na ako ay mawala sa posisyon bilang gobernador ng Camarines Norte, kaya hindi po sila nagwagi dahil kakampi natin ang taas, eh, dahil alam ng taas, alam ni Lord na marami pa tayong gagawin sa Camarines Norte, so yun po ang pagkakamali nila sabi ko nga “blessing in disguise” yung nangyari dahil maaaring ako na ang longest (serving) na governor ano.”

Nagpasalamat din si Tallado sa kaniyang pamilya at mga tagasuporta kasabay ang mensahe sa kaniyang mga kalaban sa pulitika na mag “move on” na lang.

Base sa 13 pahinang desisyon ng Supreme Court, wala umanong nilabag na batas hinggil sa term limit ang gobernador dahil nagkaroon ng interruption ng termino nito nang ipinatupad ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang dismissal order ng Ombudsman noong 2016.

Kung maalala unang pinaboran ng Commission on Elections ang disqualification case laban kay Tallado kaya’t dumulog ang huli sa Korte Suprema.

Noong September 2019 sa botong 8- 6 ay pinaboran ng Korte Suprema ang petisyon ni Tallado at ipinawalang bisa ang naging desisyon ng Comelec kaya’t naghain ng motion for reconsideration ang kampo nina Villamin at Jalgalado.

Pero sa huli ay nanaig  ang kampo ng Gobernador sa botong 11- 4.

Si Associate Justice Alexander Gesmundo ang sumulat ng desisyon na sinangayunan ni Chief Justice Diosdado Peralta at siyam na iba pang mahistrado.

Nag- dissent naman ang apat na mahistrado na sina Associate Justices Estela Perlas Bernabe, Alfredo Benjamin Caguioa, Rosemari Carandang at Marvic Leonen.

Ayon kay Provincial Legal Officer Atty Don Culvera, ngayon na ibinasura na ang motion for reconsideration ay wala na umanong ibang mosyon ang pwedeng tanggapin ng SC kaya’t ang desisyon na ito ay pinal na.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *