Great great grandson ni Dr. Jose Rizal, tampok sa inihandang virtual celebration sa ika-160 taon ng kapanganakan ng Pambansang Bayani

CAMARINES NORTE- Ipinagdiriwang ngayon ang isang napakahalagang araw para sa mga Pilipino partikular sa mga taga Camarines Norte ang ika-160 taon ng kapanganakan ng pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal.

Dahil sa patuloy na banta ng COVID- 19, hindi maipapahintulot ang pagkakaroon ng nakagawiang selebrasyon bunsod ng umiiral na mga restrictions.

Kaugnay nito naghanda ang lalawigan ng Camarines Norte ng isang virtual celebration sa pamamagitan ng Museum, Archives, and Shrine Curation Division ng Pamahalaang Panlalawigan.

Tampok sa isang talakayan ngayong umaga na tinawag na Rizal @ 160 ang Special Guest na walang iba kundi ang great, great grandson ng Pambansang bayani na si Jeremiah Villaroman

Mapapanood ito sa Official YouTube channel ng Museo Bulawan.

Isa ang lalawigan ng Camarines Norte sa maituturing na noon pa man ay may pagtatangi at pagkilala kay Rizal.

Dito kasi sa bayan ng Daet itinayo ang pinakaunang bantayog o monumento ni Rizal sa buong mundo noong 1898 o dalawang taon pa lang nang mamatay ang pambansang bayani.

Nagsimula namang magsulputan ang mga monumento ni Rizal sa buong bansa mula Luzon, Visayas at Mindanao nang itanghal itong pambansang bayani.

May mga pamantayan ang National Historical Commission of the Philippines, sa pagtatayo ng kanyang monumento.

Dapat itatayo ito sa harap ng prominenteng gusali, plaza o parke at ang pinakamaliit na sukat ay dapat life-sized.

Ang monumento ni Rizal ay nagsisilbing paalala sa mga Cam Norteno at sa bawat Pilipino na mahalin ang bayan.

(screenshot: Museo Bulawan you tube channel)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *