Grupo ng kababaihan na sumimot sa lahat ng mga pagkain sa isang community pantry sa Pasig, nagpaliwanag

Dumipensa ang grupo ng mga kababaihan na sumimot sa pagkain na ipinamahagi sa isang community pantry sa Barangay Kapitolyo, Pasig.

Ayon sa isa sa mga babae, ipinamahagi rin nila ang mga ayuda sa kanilang mga kapitbahay.

Anila, handa silang ibalik ang ayuda kung kinakailangan kung pahihiyain lang daw sila sa social media.

Makikita sa video na nag-viral sa social media kung paano pinalibutan ng anim na kababaihan ang lamesa na pinaglagyan ng mga ayuda.

Kalaunan ay naglabas ng eco bag ang mga ito para doon ilagay ang mga kinuha nilang pagkain, habang ang isa naman ay makikita na binitbit ang dalawang tray ng itlog.

Inihayag naman ng isa sa mga kapitbahay ng babae na napamahagian naman siya ng 4 na itlog at 2 noodles.

Gayunman, meron rin kapitbahay ang mga kababaihan na nag-chat umano kay Carla Quiogue na organizer ng community pantry, upang sabihin na wala silang natanggap na ayuda at napunta lang umano ang mga ito sa kaanak ng nasabing grupo.

Inihayag naman ni Quiogue na sana ay nagpunta na lang sa community pantry ang mga kapitbahay ng mga babae para sila mismo ang kumuha ng ayuda na ayon lamang sa kanilang pangangailangan.

Ipinunto rin ni Quiogue na marami pang mga residente ng ibang barangay ang nangangailangan ng ayuda, hindi lamang ang mga kapitbahay ng nasabing grupo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *