Guro, patay sa tuklaw ng ahas sa silid-aralan sa Aurora Province

AURORA – Binawian ng buhay ang isang 49-anyos na guro matapos na tuklawin ng Philippine Cobra sa loob mismo ng silid aralan sa Brgy. Bacong, San Luis, Aurora Province.

Kinilala ang biktima na si Ma’am Rizza Laureano, guro ng Bacong Elementary School at residente ng Brgy. San Jose sa naturang bayan.

Ayon sa kapatid nitong si Eya Bitong, natuklaw ng cobra ang kaliwang kamay ng kanyang kapatid ng hawiin nito ang kurtina nang lumabas sa palikuran ng silid-aralan.

Sa panayam ng Brigada News FM kay Bacong SK chairperson Jomar Sucgang, humingi ng tulong si Ma’am Rizza sa mga kasamang guro at ilang mga residente sa lugar at agad itong dinala sa ospital.

Napag-alaman na nagtatago sa cabinet ang ahas na nasa gilid ng palikuran.

Dinala pa sa ospital ang biktima ngunit binawian din ito ng buhay makalipas ang tatlong oras.

Napag-alaman na walang anti-venom ang pinagdalhang ospital sa biktima kaya hindi agad ito naagapan.

Labis umanong ikinadismaya ng pamilya ng biktima dahil sa kawalan ng anti-venom ng mga ospital sa kanilang lugar. 

Samantala, kwento pa ni Sucgang, kalmado pa umanong ibinalita ni Ma’am Rizza sa mga kasama nitong natuklaw siya ng ahas.

“Si Ma’am Rizza kasi is a strong person so kalmado pa siya at sinabing nakagat siya ng ahas. Nakagat naman po ako ng ahas, yan ang sabi niya” ani Sucgang.

Dagdag pa nito na bago pa man ang insidente ay tatlong beses na umanong pinagpakitaan ng ahas ang biktima, na mistulang signos sa mangyayari sa kanya. | Mike Salgado

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *