Gyms, fitness studios, pinayagan nang magbukas sa gitna ng COVID-19 pandemic

Pinayagan na ng gobyerno na magbukas ang mga indoor-non contact sports venues sa NCR Plus areas sa 30 percent capacity sa gitna ng COVID-19 pandemic. 

Inanunsyo ngayong araw ni presidential spokesperson Harry Roque na kabilang sa mga pwede nang magbukas muli ay mga gyms, fitness studios, skating rinks, at racket sports courts. 

Ayon sa kalihim, papayagang magbukas ang operasyon ng mga nasabing sports facilities basta’t mayroong Safety Seal Certification ang mga ito mula sa Department of Trade and Industry.

Mababatid na sarado ang mga gyms mula nang ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ) sa  NCR Plus — Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal at modified ECQ protocol simula March 27 dahil sa pagsipa ng COVID-19 cases. 

Kaugnay nito, pinayagan na rin ng pamahalaan ang reopening ng historical sites at museums sa NCR Plus areas sa 20 percent venue capacity basta’t inoobserbahan ang health at safety protocols at aprubado ng lokal na pamahalaan ang muling pagbubukas ng mga ito. 

Pero, ipinagbabawal pa rin ang guided tours sa mga historical sites at museums. 

Aniya, ginawa ang desisyon sa meeting kahapon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *