Halos isang toneladang dumi ng baka na nagkakahalaga ng $22 ninakaw sa India

NEW DELHI, India–Naglunsad na ng massive manhunt operation ang mga otoridad sa central India matapos ang naganap na pagnanakaw sa halos isang toneladang dumi ng baka sa isang storehouse sa central state ng Chhattisgarh.

Ayon sa mga otoridad, mahigit 800 kilograms o 1,770 pounds ng dumi ng baka ang nawala sa storehouse matapos pasukin ng mga kawatan ang depository sa Dhurena village sa Korba district.

Tinatayang nagkakahalaga ng 1,600 rupees o $22 ang ninakaw na dumi ng baka.

Hindi ngayon malinaw sa mga otoridad kung paano naibyahe at nailusot ng mga suspek ang ganun kadaming dumi.

Nabatid na nag-aangkat ang estado ng Chhattisgarh ng dumi ng baka mula sa mga dairy farmers sa halagang 200 rupees kada 100 kilo para sa paggawa ng vermi-compost para sa organic farming.

Maliban dito, mataas din ang demand ng cattle waste sa India dahil ginagamit ito sa mga eco-friendly products gaya ng earthen lamps at para na rin sa mga religious purposes.

Mababatid na itinuturing ng mga Hindu ang baka bilang sagrado at ginagamit ang dumi nito bilang gamot at gayundin sa mga holy practices.

Noong 2019, nag-invest si Indian Prime Minister Narendra Modi ng five billion rupees para suportahan ang pananaliksik sa paglikha ng mga gamot at personal-hygiene products mula sa dumi at ihi ng baka.

Kinokonsidera rin ng gobyerno ang paggawa ng toothpaste, shampoo at mosquito repellents mula rito. || Shiela Madrigalejos

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *