House panel: ipagpaliban ang January 31 deadline sa consolidation ng PUVMP

Nakatakdang hilingin ng mga kongresista kay Pangulong Bongbong Marcos ang pagpapaliban sa deadline ng consolidation ng prangkisa para sa PUV operators sa ilalim ng modernization program na itinakda sa January 31.

Ito’y matapos aprubahan ng House Committee on Transportation ang mosyon ni Laguna Representative Dan Fernandez na nagsabing dapat bigyan ng pagkakataon ang Department of Transportation upang ayusin ang mga problema sa PUV modernization program.

Ipinaliwanag ni Fernandez na ilan sa mga isyung kailangang tugunan ay ang pagpapanatili ng “iconic” na itsura ng jeepney, assessment sa magiging halaga ng pasahe at panuntunan sa pagpili ng modernized jeep.

Gayundin ang mga isyu sa pagitan ng jeepney driver at kanilang operators o kooperatiba kung saan sila napabilang.

Kaugnay nito, inatasan ni Committee Chairman Romeo Acop ang secretariat na balangkasin ang resolusyon upang maaprubahan sa susunod na pagdinig.

Samantala, pinagsusumite ni SAGIP Party-list Representative Rodante Marcoleta ang Land Transportation, Franchising and Regulatory Board ng listahan ng lahat ng units na ipinasok sa programa.

Nais kasi ni Marcoleta na matiyak na lahat ng pinayagan ng LTFRB na ma-absorb sa modernization ay pasado sa “Euro 4” standards pagdating sa makina at walang bahid ng korapsyon.

Nakatanggap ng impormasyon ang opisina ni Marcoleta na mayroon umanong mga modernized vehicles na inaprubahan ang LTFRB na sablay ang standard ng makina.

Agad namang tumugon si LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III na kanilang isusumite ang listahan ng manufacturers at units na pasok sa programa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *