House probe sa pag-isnab ng ilang firms sa discount para sa seniors, PWDs

Pinaiimbestigahan ni House Speaker Martin Romualdez ang mga ulat na hindi umano nagbibigay ng diskwento sa senior citizens at persons with disabilities ang ilang kumpanya.

Nagpatawag si Romualdez ng motu proprio investigation sa mga angkop na komite sa Kamara dahil sa sinasabing paglabag sa Republic Act 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010 at Republic Act 10754 o ang Act Expanding the Benefits and Privileges of PWDs.

Batay sa impormasyon, isang sikat na coffee shop chain ang lumabag umano sa batas matapos limitahan ang 20 percent discount at 12 percent value added tax exemption sa isang food item at isang drink ng senior at PWD.

Kamakailan naman ay nagsampa ng dalawang kaso ang Pasig City Prosecutors Office laban sa dalawang opisyal ng isang hotel sa lungsod na tumanggi umanong magbigay ng diskwento sa senior citizen.

Ayon kay Romualdez, trending sa social media ang usapin sa mga nakalipas na buwan kaya napapanahon nang i-review ng Kamara ang implementasyon ng batas at alamin kung tumatalima ang mga negosyo sa bawat probisyon.

Hangga’t hindi nakukumpleto ang pagsisiyasat ay nanawagan ang House leader sa mga awtoridad at mga ahensya ng gobyerno na magsumikap at tiyakin ang epektibong pagpapatupad ng diskwento para sa mga matatanda at may kapansanan sa lahat ng negosyo at service providers.

Paliwanag pa ni Romualdez, hindi dapat nililimitahan ang diskwento basta’t personal na pinakikinabangan ng mga senior at PWDs.

Taong 2016 nang maisabatas ang RA 9442 na nagbibigay ng exemption sa mahigit 1.9 million PWDs sa pagbabayad ng VAT sa ilang produkto at serbisyo bukod pa sa 20 percent discount mula sa inamiyendahang Magna Carta for Disabled Persons. //HPK, edited: MENG TRINIDAD

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *