HPG pinaalalahanan ang mga bibiyahe ngayong Undas na alamin ang requirements sa mga pupuntahang lugar para iwas aberya

CAAMARINES NORTE- Pinaalalahanan ng PNP Highway Patrol Group (HPG) ang mga bibiyahe ngayong Undas na alamin muna ang mga requirements sa pagpasok sa pupuntahang lugar upang iwas aberya.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni Police Major Joselito Quila, Provincial Officer ng HPG sa Camarines Norte, na bagamat hindi umano inaasahan ang pagdagsa ng mga uuwi ngayong Undas ay naka alerto pa rin ang kanilang hanay para dito.

Paalala ni Quila na dapat ngayon pa lang ay alam na ng mga uuwi ang mga rekisitos bago papasukin sa mga lugar na kanilang pupuntahan tulad dito sa Camarines Norte na kailangan ang travel pass at negatibong resulta ng Rapid Antigen o RT- PCR test.

Mayroon umanong designated control point sa Tabugon, Sta Elena na ang nagmamando ay HPG gayundin ang local police sa dalawang border.

Naniniwala naman ang opisyal na marami ang magdadalawang isip na umuwi dahil sa hirap ng sitwasyon ngayon dulot ng pandemya.

Kung mayroon man ay mas marami pa rin ang magdadalawang isip.

“Dapat po ngayon pa lang alamin na nila yung mga requirements para makapasok, hindi naman ho binabawalan silang pumasok pero may panuntunan po ang ating Provincial  Goverment dito, kung tutuusin nga parang ang Camarines Norte ay talagang mahigpit po sa pagpapasok ng mga tao, kaya alamin nila ngayon pa lang para hindi nila maging problema pagbiyahe,” ani Quila.

“Kung sakali man po na magkaroon ng influx ng tao, ang HPG naman po ang kanila lang talagang dapat gawin ay tumulong sa mga motorista dahil kung dadami nga ang motorista so kami mangangalaga ng highway, kami po yung kanilang makakatulong sa ganitong mga pagkakataon.”

Sa ngayon ay wala pang inilalabas na panuntunan ang probinsiya hinggil sa pagunita ng Undas.

Alinsunod sa Executive Order sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ), pinapayagan ang pagbisita sa mga  memorial parks, sementeryo at columbarium pero limitado lang sa hindi lalagpas sa sampu katao kada grupo at hindi lalagpas sa 30 %  ng venue capacity.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *