Ika-389 na taon ng pagkakatatag ng bayan ng Capalonga sa Camarines Norte ipinagdiwang nitong linggo

CAMARINES NORTE – Ipinagdiwang nitong nakaraang araw ng Linggo, August 13, 2023 ang ika-389 na taon ng pagkakatatag ng bayan ng Capalonga sa Camarines Norte na may temang “Lingon sa nakaraan, Pag-unlad ng kinabukasan.”

Sa espesyal na araw ng okasyon, sama-samang dumalo sa isinagawang parada ang mga kawani ng pamahalaan at ibat-ibang tanggapan nito upang ipagdiwang ang mayamang kasaysayan at makulay na kultura ng nasabing bayan.

Nagkaroon din ng “Drum and Lyre Corps Competition” na nilahukan naman ng iba’t ibang mga kalahok mula sa mga bayan ng Vinzons, San Lorenzo Ruiz, at Santa Elena. Bukod dito, nagkaroon din ng espesyal na partisipasyon ang Gonzalo-Aler National Highschool na mula naman sa bayan ng Capalonga.

Kaugnay sa tema ngayong taon na “Lingon sa nakaraan, Pag-unlad ng kinabukasan,” alam niyo ba na ang bayang ito ay unang tinawag na Capalongan na nagmula sa mayamang lupa nito na dahilan ng paglago ng isang palumpong na may makukulay na bulaklak na kung tawagin ay palong manok. Ang bulaklak ay kahawig ng palong ng manok at tinatawag na Palong sa Bicol. Gayundin, ang pangkalahatang hugis ng bayan ay parang palong ng manok. Ang mga Kastila ay pilipit ang dila sa pangalan at tanging Capalonga lamang ang nababanggit. Gayunpaman, ang pangalan ay nakakuha ng katanyagan at sa gayon ay nananatiling pangalan ng bayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *