Ilang actor sa isang teleserye naka-recover mula sa COVID-19

Isiniwalat ng mga celebrities na sina Tony Labrusca, Barbie Imperial, at Kempee de Leon na naka-survive sila sa laban kontra COVID-19.

Ito ang kanilang naging rebelasyon sa virtual media conference ng afternoon drama na “Bagong Umaga” bago ang kanilang April 30 finale.

Sinabi ni Labrusca na halos lahat sila sa cast ng Bagong Umaga ay mga COVID survivors at nagpapasalamat naman siya sa production dahil sa pag-alalay nito sa kanilang recovery.

Una na rin inamin ng lead star na si Heaven Paralejo at ng veteran actresses na sina Sunshine Cruz at Nikki Valdez sa kani-kanilang social media accounts ang tungkol sa pinagdaanan nilang laban kontra COVID-19.

Hindi naman binanggit ng 25-anyos na aktor kung sino ang iba pa sa mga kapwa niya aktor at crew members ang tinamaan ng COVID-19.

Mababatid na dinidevelop pa lang noon ang kanilang afternoon drama sa maagang bahagi ng February 2020, ngunit na-delay ang produksyon nito dahil sa unang lockdown na naimplementa noong Marso ng nasabing taon.

Gayunman, dahil sa mas pinaluwag na lockdown measures ay natuloy ang shooting ng proyekto noong Oktubre.

Kinuhanan ang karamihan ng eksena nito sa compound lamang ng ABS-CBN, at ginawa ito sa pamamagitan ng lock-in taping kung saan ay nagkaroon ng three-week cycle quarantine ang buong cast at crew.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *