Ilang kongresista, may agam-agam sa Absolute Divorce Bill

Masusing pag-aaralan ni Marikina City Representative Stella Quimbo ang panukalang Absolute Divorce sa Pilipinas sa sandaling talakayin na ito sa plenaryo ng Kamara.

Sa press conference, sinabi ni Quimbo na ikokonsidera niya ang diborsyo kung may pang-aabuso at pananakit, babae man o lalaki ang biktima.

Posibleng mas mapadali aniya ang pag-apruba sa Absolute Divorce Bill kung mailalagay na isa sa grounds ang “abusive relationship” dahil sa ngayon ay hindi ito nakasaad na ground for legal separation.

Ipinaliwanag din ni 4Ps Party-list Representative JC Abalos na kahit sa annulment ay wala sa probisyon ang abusive relationship kaya sa isinusulong na diborsyo ay mabibigyan ng pagkakataon ang mga nasa “toxic relationship” na lumigaya.

Kung si La Union Representative Paolo Ortega naman ang tatanungin, hindi siya papabor sa Absolute Divorce at sa halip ay isusulong niya na gawing simple ang ilang probisyon sa annulment.

Nagsasagawa na aniya sila ng konsultasyon sa grupo ng mga kababaihan hinggil sa gagawing pagbabago sa provisions ng annulment.

Samantala, nanindigan si Cagayan De Oro Representative Rufus Rodriguez na kung titingnan ang mga bansang may diborsyo, binuksan umano ng mga ito ang pinto para sa broken families at iba’t ibang mga problema kaya 100 percent ang kanyang pagtutol dito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *