Ilang mga barangay sa Davao City, lubog sa tubig-baha

Nagmistulang malawak na ilog ang pangunahing lansangan sa mga barangay ng third district sa Davao City kasunod sa naranasang pagbuhos ng napakalakas na ulan na tumagal ng ilang oras.

Bandang alas-dyes kagabi nagsimula ang ulan na sinabayan ng malakas na hangin, kulog at kidlat hanggang alas dos ng madaling araw kanina kaya umapaw ang mga drainage na nagresulta sa malawakang pagbaha at pagka-stranded ng mga motorista.

Umabot sa dibdib ang lebel ng tubig gaya ng Purok 40 at 41 ng Crossing Ulas, sa likod lamang ng ating himpilan kaya naman dinagsa ng mga residente ang stasyon kanina para humingi ng saklolo na agad namang nabigyan ng initial na tulong gaya ng mga maiinum at makakain.

Nagtulong-tulong naman ang mga Rescue personnel mula sa Central 911, ibat-ibang police at fire stations at mga BDRRMC maging mga volunteer groups para sagipin ang mga pamilyang nastranded sa kanilang mga bahay kung saan ilan sa kanila ay nasa bubong na naghintay ng rescue.

Kabilang sa mga lugar na sinalanta ng baha ang Talomo, Brgy. Baliok, Bago Gallera, Bago Aplaya, Dumoy, Matina Aplaya, at Sto Nino kung saan karamihan sa mga residente ay walang naisalbang mga gamit.

Sa kabila nito wala namang naitalang casualty at nasugatan maliban na lamang sa dosenang mga sasakyan na inanod ng baha sa Brgy Baliok.

Nakatakda namang magbigay ng inisyal na tulong ang pamahalaang local ng Davao sa pamamagitan ng mobile kitchen at kusina ng bayan para sa agahan ng mga residente habang sisimulan na rin ng CSWDO ang assessment sa mga apektadong pamilya.

Samantala sinuspendi na rin ng City LGU ang klase sa lahat ng private at public schools mula sa. Bago Gallera, Bago Aplaya, Talomo Proper, Matina Aplaya, Brgy. Maa, Brgy. Baliok sa Talomo District at Brgy. Sto. Nino sa Tugbok District.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *