Ilang mga opisyal, suportado ang liderato ng Kamara

Lumagda sa isang manifesto of support ang mga opisyal mula sa lokal na pamahalaan sa Surigao del Norte para kay House Speaker Martin Romualdez.

Sa harap ito ng umano’y walang basehang alegasyon ng ilang senador laban kay Romualdez na may kaugnayan sa isinusulong na People’s Initiative upang amiyendahan ang Saligang Batas.

Dalawampu’t limang local government executives ang pumirma sa manifesto na gumigiit sa umano’y magandang adhikain ni Romualdez sa pamamagitan ng mga panukala na susugpo sa kahirapan at magpapalago sa ekonomiya.

Binigyang-diin ng mga opisyal na nakinabang nang husto ang mga residente ng Surigao sa social services tulad ng medical, cash, burial at educational assistance kaya dapat nang itigil ang personal na pag-atake sa Speaker.

Gayundin sa pagtitiyak na may budget ang major infrastructure projects sa Siargao Island na makatutulong para sa pagsusulong dito na maging prime tourist destination.

Kaisa rin ang local officials sa pagbubukas ng ekonomiya sa foreign investment at pag-amiyenda sa restrictive economic provisions ng 1987 Constitution.

Samantala, naglabas din ng hiwalay na “Statement of Solidarity” ang tatlumpung mambabatas mula sa Metro Manila upang ipakita ang suporta kay Romualdez na tinawag nilang “Speaker for All” at “Speaker of the Nation”.

Sa tatlong pahinang dokumento na nilagdaan ng NCR congressmen, kinondena nila ang mga nagsusulong ng “disunity” o pagkakawatak-watak kasabay ng panawagan na igalang ang boses ng taumbayan.

Pinuri nila si Romualdez dahil sa pakikinig at pagtulong sa mga jeepney driver at operator na apektado ng PUV Modernization Program, pagsusulong ng mas mataas na diskwento at benepisyo para sa senior citizens at PWDs at pagsuporta sa bawat distrito nang wala umanong “political favor”.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *