Ilang Mindanao lawmakers, nagpakita ng suporta sa Serbisyo Fair

Hindi pagtutol sa secession kundi pagpapakita ng suporta sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair ng administrasyong Marcos ang naganap sa Sultan Kudarat noong weekend na dinaluhan ng mahigit isandaang libong indibidwal.

Ito ang nilinaw ni PBA Party-list Representative Margarita Nograles matapos ang presensya ng apatnapu’t limang kongresista mula sa Mindanao sa ikinasang pinakamalawak na serbisyo caravan na ginastusan ng 1.2 billion pesos na halaga ng programa at cash assistance.

Sa press conference, sinabi ni Nograles na hindi dapat i-single out o pagtuunan ng pansin ang pagdalo ng napakaraming mambabatas sa naturang lalawigan dahil maging sa ibang lugar sa bansa ay nakikiisa naman umano ang House members.

Sa kasagsagan ng BPSF ay nagpahayag ng pagtutol sa secession ng Mindanao si Sultan Kudarat Governor Pax Ali Mangudadatu.

Iginiit din ni Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adionh na sa simula pa lang ay hindi na nakakuha ng suporta sa “grassroots” ang planong paghiwalay ng Mindanao.

Hindi lamang aniya lawmakers ang sumuporta sa programa ng administrasyon dahil naroon din ang local government units lalo na ang Muslim communities.

Una nang naglabas ng manifesto ang limampu’t pitong kongresista kung saan limampu’t tatlo rito ang galing sa Mindanao upang mariing tutulan ang isinusulong na secession ng kampo nina dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *