Ilang sakahan sa Albay, nakakaranas ng kakulangan ng supply ng tubig

LEGAZPI CITY – May ilang mga sakahan na sa lalawigan ng Albay ang nakararanas na ng kakulangan sa supply ng tubig mula sa irigasyon.

Ito ang kinumpirma ni Engineer Gaudencio De Vera, Regional Manager ng National Irrigation Administration (NIA) Bicol sa Brigada News FM Legazpi.

Ayon kay De Vera, ang mga sakahan na ito ay mula sa apat na mga bayan sa lalawigan, partikular sa Libon, Oas, Pio Duran at Polangui. Ito umano ang may mga maliliit na irrigation system kung saan ang tubig nila ay nanggagaling lamang sa maliliit na sapa o ilog, at kapag walang ulan, ito ang pinakaunang natutuyuan, lalo na noong nagsimulang maging minimal ang pag-ulan sa rehiyon noong nakaraang buwan ng Pebrero.

Subalit binigyang-diin ni De Vera na hindi pa naman totally damaged ang mga sakahan ngunit nakita nang kukulangin sa tubig kaya’t naghahanap sila ng iba pang source na maaaring makatulong.

Samantala, inihayag naman niya na 61,800 ektarya na ang nataniman sa ngayon habang nasa 475 ektarya namang taniman ang nabibitin at kinukulang sa tubig partikular sa Albay at sa Camarines Sur.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *