Ilang senador, hinimok ang Palasyo na tanggalin si Parlade sa NTF-ELCAC

Hinimok ng ilang senador ang Malacaang na tanggalin si Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. mula sa anti-communist task force ng gobyerno matapos nitong ikumpara ang effort ng community pantry organizer sa kwento sa bibliya kung saan ay binigyan ni Satanas ng mansanas si Eba.

Una nang sinabi nina Senators Joel Villanueva at Sherwin Gatchalian na pwedeng ilaan ang P19-billion budget ng panel sa COVID-19 related programs sa susunod na taon, matapos ang mga paninira ni Parlade sa mga community pantry organizers.

Sinabi ni Senate President Vicente Tito Sotto III na dapat ay maalis mula sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang mga opisyal na iresponsable at hindi nag-iisip.

Binigyang diin ni Sotto na magandang programa ang NTF-ELCAC, at hindi dapat ito kaagad sisihin ng mga tao dahil lamang sa mga iresponsableng mga pahayag na nagmula sa iilang opisyal.

Pero ayon sa senador, kung malakas talaga ang kapit ng ilang opisyal sa Palasyo, ay pwede naman maging defunding ang susunod na aksyon laban sa NTF-ELCAC.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *