Ilang tricycle drivers sa Legazpi City, naghayag ng saloobin ukol sa panawagan ng DILG na higpitan ang mg tricycles at pedicabs na dumaraan sa national highways

LEGAZPI CITY – Nagpahayag ng saloobin ang ilang mga tricycle drivers sa lungsod ng Legazpi kaugnay ng panawagan ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na gobyerno na muling higpitan ang mga tricycle at pedicaps na dumaraan sa national highways.

Ilan sa mga drivers, nagtatampo sa gobyerno dahil ang mga siklista ay binigyan ng bike lanes samantalang sila na kumakayod para sa pamilya, tatanggalan pa ng pwesto.

Binigyang-diin nila, mas maraming mga mapi-pick-up na pasahero sa national highways kumpara sa mga bara-barangay.

Subalit, kung mangyari man na talagang higpitan silang bumyahe at maghanap-buhay sa national highways o kaya’y tuluyang na silang bawalan dito, ang sabi naman ng isang driver, wala silang magagawa at susunod na lamang dahil hindi naman sila ang may gawa ng ordinansa.

Para sakanya, maghahanap nalang umano ng ibang pagkakakitaan lalo na’t wala rin naman siyang sariling unit at nagba-boundary lamang.

Gayunpaman, ang panawagan ng mga ito sa gobyerno, kahit huwag na umano silang bigyan ng tricycle lanes, basta’t hayaan lamang silang makapaghanap-buhay o kumayod sa national highways.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *