Imahe ng mahal na birhen ng Peñafrancia at Divino Rostro mananatili ng ilang araw sa Diyosesis ng Daet

CAMARINES NORTE – Dumating na kahapon ang imahe ng mahal na birhen ng Peñafrancia  at  Divino Rostro at mananatili ito ng ilang araw dito sa Diyosesis ng Daet.

Pasado alas 4 ng hapon nang dumating sa Holy Trinity Cathedral ang dalawang imahe na masayang sinalubong ng mga deboto sa pangunguna mismo ni Bishop Rex Andrew Alarcon kasama ang ilang kaparian at mga relihiyoso.

Ipinakita ng mga deboto ni Ina ang kanilang marubdob na debosyon sa pamamagitan ng mainit na pagsalubong habang winawagayway ang mga puti at dilaw na panyo.

Pinangunahan ni Bishop Alarcon ang Banal na Misa at nabigyan ng pagkakataon ang mga deboto na makalapit at makahawak sa imahe ni Ina at Divino Rostro.

Ayon kay Bishop Alarcon, ang pagbisitang ito ay nagpapaalala nang pag- ibig ng isang ina na walang inaasam kundi ang ikabubuti ng kaniyang mga minamahal na anak.

Dadalhin naman ngayong araw sa Camp Wenceslao Q. Vinzons ang imahe ni Ina at Divino Rostro bago ito dalhin sa ilang parokya.

Mananatili ng ilang araw dito sa Camarines Norte ang dalawang imahe bago ito ilipat sa Diocese of Libmanan sa May 10.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *