Imbestigasyon ng Kamara sa gentleman’s agreement sa WPS, tuloy kahit nanawagan ang DFA na huwag na itong pag-usapan ng publiko

Hindi mapipigil ang Kamara sa ikakasa nitong imbestigasyon hinggil sa umano’y gentleman’s agreement sa pagitan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ng China patungkol sa West Philippine Sea.

Ito’y sa kabila ng panawagan ng Department of Foreign Affairs sa publiko na iwasan nang pag-usapan ang gentleman’s agreement dahil nalilihis umano ang isyu ng panghihimasok ng China sa exclusive economic zone.

Sa pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni 1-Rider Party-list Representative Rodge Gutierrez na hindi maaaring talakayin ang Chinese intrusion nang hindi nababanggit ang naturang kasunduan dahil sila mismo ang may “narrative” na umiiral ito.

Iginiit ni Gutierrez na bagama’t walang opisyal na tala ay may merito pa rin ang usapin lalo’t nakataya ang foreign policy ng bansa ngunit dapat isantabi ang pulitika.

Binigyang-diin din ni Zambales Representative Jefferson Khonghun na mahalagang malaman ang katotohanan dahil nakakaapekto ito sa administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.

Ginagamit aniya ng China ang gentleman’s agreement upang bombahin ng water cannon ang mga barko ng Philippine Coast Guard at hulihin ang mga mangingisdang Pilipino.

Bukod dito, suportado ni Khonghun ang paninindigan ni Marcos na huwag gantihan at bombahin ng water cannon ang Chinese vessels dahil kung minsan ay mas maganda umano sa mata ng international community na inaapi kaysa nang-aapi.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *