Imbestigasyon ng senado ukol sa shabu cover-up, tinapos na

Tinapos na ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang imbestigasyon ukol sa umano’y cover-up kay Police Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr., ang nahulihan sa Maynila ng halos isang toneladang shabu noong October 2022.

Sa pagdinig, sinabi ni Sen. Bato dela Rosa, chairman ng komite, maliwanag na nagkaroon ng tangkang cover-up o nagtangkang itago na nahuli si Mayo.

Batay naman aniya sa mga testimonya, malinaw na walang kinalaman si dating PNP chief Rodolfo Azurin Jr. dahil sinampahan ng kaso si Mayo matapos tawagan ng PDEA.

Samantala, 50-50 percent naman aniya na kasama sa cover-up si dating PNP-Drug Enforcement Group Head Police BGen. Narciso Domingo, pero nilinaw ng opisyal na hindi niya inireport si Mayo,  hindi para itago kundi balak siyang gamitin sa follow-up operation para sa mas malaking huli ng droga.

Nasa 75-25 percent naman ang nakita niyang posibleng pagkakadawit ni Police Col. Julian Olonan ng PDEG habang marami aniyang dapat ipaliwanag  sina Lt.Col. Arnulfo Ibañez at Police Lt.Col. Glenn Gonzales dahil umikot sa kanila ang imbestigasyon kay Mayo.//CA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *