Imbestigasyon sa bentahan ng bigas ng NFA, umarangkada na

Planado na ang “hocus pocus” o pagbibigay ng pabor ng National Food Authority sa mga piling trader upang maibenta ang libu-libong bags ng rice buffer stock na malapit nang mabulok.

Ito ang iginiit ni Deputy Majority Leader Erwin Tulfo sa pagsisimula ng pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food ukol sa umano’y maanomalyang pagbebenta ng 75,000 bags ng buffer stocks ng NFA sa dalawang traders sa halagang 93.75 million pesos.

Sa motu proprio inquiry ng komite, ginisa ni Tulfo ang suspendidong NFA Administrator na si Roderico Bioco kung bakit hinayaang sa private entities napunta ang buffer stock gayong nangangailangan ng suplay ang mga ahensya ng gobyerno tulad ng DSWD at BJMP.

Idinepensa ni Bioco na malapit nang mabulok ang mga bigas ngunit ligtas pa para sa “human consumption” kaya tumanggi na umano ang DSWD at minabuti nilang ialok sa traders.

Taliwas ito sa isiniwalat ni Engineer Lemuel Pagayunan na maganda pa ang kalidad ng bigas bukod sa walang approval ng NFA Council ang pagbebenta at hindi sumailalim sa bidding process.

Punto ni Tulfo, noong nakaraang taon pa naghahanap ng bigas ang Kamara bilang bahagi ng oversight function at nag-raid ng mga warehouse matapos sumipa ang presyo ng bigas ngunit mayroon palang itinatagong suplay ang NFA.

Paliwanag pa ni Bioco, ang mga napiling trader ay base sa rekomendasyon ng field offices.

Sa kabila nito, kumbinsido ang kongresista na hindi ginampanan ni Bioco nang maayos ang kanyang trabaho dahil naibsan sana ang kakulangan sa bigas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *