Import ban sa buhay na baka, wala raw magiging epekto sa supply ng bansa

Pinawi ng Department of Agriculture ang pangamba ng publiko na baka magkaroon ng problema sa supply ng baka at kalabaw sa bansa, kasundo ng ipinatupad na importation ban ng ahensya.

Ayon kay DA Asst. Secretary Arnel de Mesa, walang epekto sa supply chain ng bansa ang ipinatupad na importation ban, dahil hindi saklaw ang karne ng baka at kalabaw.

Maaalalang nagpatupad ng import ban ng mga live cattle mula sa bansang Libya, Thailand, Russia at South Korea, na hindi rin kabilang sa mga accredited countries ng DA.

Ayon kay de Mesa, isang precautionary measure ang pagpapatupad ng importation ban, lalo na’t wala pang naitatalang kaso ng lumpy skin disease (LSD) sa bansa.

Ang LSD ay isang viral na sakit sa hayop na maaaring magdulot ng bukol-bukol sa balat ng hayop sa bahaging mukha at leeg.

Bagamat hindi ito nakakahawa sa tao, maaari itong makaapekto sa kalusugan at produksyon ng mga hayop.

Sa ngayon, ang mga produktong karne ng baka at kalabaw sa bansa ay pangkaraniwang mula sa India, South America, America, at Europa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *