Inter-regional route para sa public transportation sa Cagayan, posibleng buksan na

Inaasahan ang posibleng pagbubukas ng inter-regional route para sa mga pampublikong sasakyan sa lalawigan ng Cagayan simula sa December 1, 2021.

Ito ay kasunod ng napagkasunduan ng LTFRB Region 2 at ni Cagayan Gov. Manuel Mamba kung saan pinaghahandaan na ng Provincial Inter-Agency Task Force ang mga ilalatag na guidelines para sa inter-regional route.

Ayon kay Gov. Mamba, naghain na sila ng resolusyon para sa implementasyo kung saan papayagan nang makapasok sa naturang lalawigan ang anumang public transportation mula Metro Manila at iba pang rehiyon.

 Aniya, kailangan lamang masunod ang mga panuntunan na nakasaad sa alert level system upang maiwasan na maulit ang nangyari noon sa pag-uwi ng mga residente mula sa high-risk areas na dahilan ng paglobo ng bilang ng kaso ng COVID-19.

Magbabalangkas ng mga karagdagang hakbang ang LTFRB katuwang ang LGU-Tuguegarao City para matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at mahigpit na maipapatupad ang COVID -19 protocols tulad ng regular na disinfection ng mga bus.

Ayon pa kay LTFRB  2 Regional Director Edward Cabase, ito ay bilang bahagi na rin ng paghahanda sa holiday season.

Pinapayuhan din ang mga pasahero na nakakumpleto ng kanilang mga bakuna na magkaroon ng kanilang mga COVID-19 Vaccination Card.

Ang nasabing petsa ng pagbubukas ay maaaring mabago pa dahil ito ay nakadepende sa pagtaas o pagbaba ng bilang ng mga kaso ng mga indibidwal na nahawaan ng COVID-19 sa Tuguegarao City.

Photo/LTFRB RO2

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *