Isa sa 3 nasawi sa Rapu-rapu, Albay dahil sa diarrhea, hindi na umano umabot sa mainland upang magpagamot dahil sa bagyong Egay; biktima, namatay sa sinasakyang bangka

LEGAZPI CITY – Hindi na umabot pa sa mainland ng Rapu-rapu, Albay ang isa sa tatlong mga nasawi dahil sa sakit na diarrhea upang magpagamot dahil sa Bagyong “Egay” dalawang araw na ang nakakalipas.

Ayon kay Albay Provincial Sanitation Office Head Engr. William Sabater, binawian ng buhay ang 12 taong gulang na batang biktima sa mismong sinasakyang bangka.

Aniya, mula sa Brgy. Gaba ng nasabing bayan ang biktima at namatay ito dahil sa severe dehydration dulot ng diarrhea.

Katabi lamang umano ng nasabing barangay ang Brgy. Manila na unang nakapagtala ng dalawang pagkasawi dahil sa kaparehong sakit kung saan isa rito ang positibo sa cholera.

Kung babalikan, una nang sinabi ni Sabater na ang tinitignan nilang dahilan ng pagkakasakit ng mga residente ay ang maruming water source na siyang kinukunan ng tubig na maiinom.

Gumawa umano ng concrete reservoir ang mga residente na may 2 kilometrong distansya ng tubig mula sa itaas ng bundok, at napag-alamang ang tubig mula sa undeveloped spring ay may fecal coliform.

Pinaniniwalaan umano na mayroong dumumi sa bahaging itaas nito kun saan nagmumula ang tubig kaya ito nakontamina.

Sa ngayon, aabot na sa halos 50 ang mga tinamaan ng diarrhea at kasalukuyan nang nagpapagaling.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *