Isa sa dalawang suspek sa buy-bust ops sa Buyoan, Legazpi City, dati na umanong nahuli sa kaparehong operasyon; isa pa sa nahuli, nadamay lang umano

LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng punong barangay ng Buyoan, Legazpi City na dati nang nahuli sa drug buy-bust operation ang isa sa mga suspek na natimbog ng mga operatiba sa kaparehong operasyon na isinagawa sa nasabing barangay alas 9 ng gabi noong Martes, kung saan nakumpiska ang aabot sa mahigit P700,000 na halaga ng hinihinalang “shabu”.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Kapitan Ronaldo Miña, sinabi nito na noong nakaraang taon nahuli ang suspek na kinilalang si alyas “Tham”, at nakalaya makalipas ang halos tatlong buwan subalit kamakailan ay muling na-buy-bust ng mga otoridad.

Ayon sakaniya, noong gabi ng operasyon, nakausap niya ang isa sa mga operatiba, at sinabi sakanyang mas lalong lumala ang suspek nang nakulong ito.

Naipon umano kasi sa isang selda ang lahat ng mga nahuli sa drug buy-bust at nagkabigayan ng mga numero ng bigtime drug pushers na maaaring tawagan oras na makalaya.

Kaya, sinabi ni Miña, sa halip na magbago noong nakalaya ito, posibleng tinawagan niya ang numero ng bigtime pusher.

Samantala, ayon pa sakanya, ang kasama nitong nahuli sa operasyon ay nadamay lang umano sa pangyayari.

May mga natanggap kasi siyang reports na nag-deliver lang naman umano ito ng longganisa.

Sinabi ni Miña, residente niya rin ito at wala naman itong anumang record sa barangay.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad ukol dito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *