Isang barangay sa Bato, Catanduanes, isinailalim sa granular lockdown bunsod ng mataas na kaso ng COVID-19

BICOL—Nakasailalim ngayon sa Granular Lockdown ang dalawang purok sa Brgy. Cabugao bayan ng Bato, Catanduanes bunsod ng maraming kaso ng mga residenteng tinamaan ng COVID-19.

Batay sa inilabas na memorandum order ni Bato Mayor – Juan Rodulfo, ipinatupad ng pamahalaang lokal ang naturang lockdown sa Purok 1A at Purok 1B ng nasabing barangay dahil sa walong aktibong kaso ng COVID-19 na naitala mula dito.

Bunsod nito, naka kordon ngayon ang entry at exit points ng dalawang purok at idineklara ang mga ito bilang critical zone. Mahigpit na babantayan ng mga otoridad ang galaw ng mga residente dito anuman ang kanilang edad at health status upang mapigilan o ma contain ang transmission ng sakit.

Pinapayuhan rin ang lahat na i-monitor ang kanilang mga sarili, at kung sakali man na makaramdam ng anumang sintomas ng COVID-19 ay agad na makipag ugnayan sa BHERTs.

Maigiting ring ipapasunod sa mga residente ang pagsusuot ng facemask, paghugas ng kamay at pag obserba ng physical distancing habang ipagbabawal naman ang pagsagawa ng mass gatherings o mga pagtitipon na itinuturong sanhi ng pagtaas ng kaso ng mga tinatamaan ng sakit sa nasabing barangay.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *