ISU, inilunsad ang kauna-unahang telemedicine program sa Region 2

Inilunsad kahapon, May 28 ang newly-developed telemedicine program ng Isabela State University (ISU) na layuning matulungan ang mga pagamutan at health care workers sa pagtugon sa COVID-19.


Ang naturang programa na tinawag na Cauayan City COVID-19 Care Consult (C5) ay ang kauna-unahang telehealth mechanism project sa buong lambak ng Cagayan.


Ginawa ang naturang proyekto para sa LGU Cauayan City bilang bahagi ng konsepto na Smart City upang mapabuti ang pagtugon sa COVID-19.


Kaugnay nito ay pirmado na ang Memorandum of Agreement (MOA) sa paglulunsad ng C5 katuwang ang Department of Science and Technology R02 (DOST-R02), Commission on Higher Education R02 (CHED-R02), and Dynamic Outsource Solutions, Inc.


Ang naturang programa ay pangangasiwaan ng lead centers ng ISU gaya ng Health Innovation Center (HIC) at Business Intelligence Research and Development Center (BIRDC) katuwang ang BPO Training Simulation Center.


Sa pamamagitan nito ay magkakaroon ng teleconsultation at monitoring sa mga asymptomatic at mild COVID patients na hindi maa-accommodate ng mga pagamutan at kinakailangang sumailalim sa quarantine.

Ang mga attending medical personnel ay makikipag-ugnayan sa mga pasyente sa cellphone o kahit anumang communication devices.

Bukas ang serbisyo ng telemedicine 24/7 na nursing intervention sa loob ng 14 days at monitoring at consultations kada 4 na oras.

Ipinaliwanag naman ni HIC Director Jolo Galabay na ang telemedicine ay isasagawa ng grupo ng mga health professional at faculty members ng ISU College of Medicine, College of Nursing, School of Midwifery, and College of Arts and Sciences at sa pakikipag-ugnayan sa City Health Office.


Maaari ring gamitin ang naturang programa bilang medical immersion ng mga estudyante sa ilalim ng kanilang Related Learning Experience (RLE).

Habang ang mga makukuhang reports sa teleconsultations ay regular na ipapasa sa CHO kung saan mabibigyan agad ng medical response ang mga pasyenteng nangangailangan ng agarang pagtugon.


Maliban sa COVID care consult ay nagbibigay din ang telemedicine ng mental health services sa pamamagitan naman ng mga Psychology student-practitioners.


Samantala, umaasa naman si ISU System President Dr. Ricmar Aquino na sa susunod na buwan ay mabubuksan na ito upang matulungan ang mga frontline health workers sa pag-aasikaso sa mga tinamaan ng naturang virus.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *